We travel, initially to lose ourselves; and we travel, next
to find ourselves – The Idealist
Isa ako sa mga magpapatotoo sa mga katagang ito. Hindi ko
man nahanap ang sarili ko, nahanap ko naman ang isang pundasyong nagbibigay
kulay sa bansang kinabibilangan ko ngayon. Napupuno man ng mga gwardya ang
lugar na ito, hindi naman nakulong ang mga emosyong nararamdaman ko nang
mga oras na iyon. Nakatutuwa at nabigyan kami ng pagkakataon na mapuntahan ang
isa sa mga itinuturing na makasaysang lugar sa ating bansa, ang INTRAMUROS.
Kilala din sa tawag na The Walled City, hango sa salitang
Latin na “Within the Walls”. Hindi naman nakapagtataka kung bakit iyon ang
itinawag sa kanya. Napapalibutan ito ng mga batong hinango sa mga bulkan
dahil noong unang panahon ay nagsisilbi itong pananggalang sa mga gyera.
Una naming naging destinasyon ang simbahan ng Manila
Cathedral. Bukod sa ito ang una mong makikita ay nakaagaw-pansin din ang
makalumang istraktura ng simbahan. May pitong simbahang matatagpuan sa loob ng
Intramuros ngunit nang dumating ang World War II ay dalawa na lamang sa pitong ito
ang natira. Isa na rito ang Manila Cathedral, at ang isa pa ay ang San Agustin
Chuch na aming sunod na pinuntahan. Hindi man kami nakapasok sa loob ng
simbahan ng San Agustin dahil may isang kasalan na nagaganap ay nakasisigurado
naman kami na napakaganda ng disensyo sa loob nito. Masasabing isa ito sa
pinakamagandang simbahan na maari mong pagdausan ng isa sa pinakamahalagang
pangyayari ng iyong buhay gaya na lamang ng pagpapakasal.
Memore Manila Monument, Anda Street Intramuros Manila
Sunod mong madaraanan ang isang monumentong inialay sa mga nasawi noong gyera. Napalilibutan ito ng mga bulaklak at kapansin-pansin na walang tigil ang pagpunta ng mga tao sa lugar na ito.
Memore Manila Monument, Anda Street Intramuros Manila
Sunod mong madaraanan ang isang monumentong inialay sa mga nasawi noong gyera. Napalilibutan ito ng mga bulaklak at kapansin-pansin na walang tigil ang pagpunta ng mga tao sa lugar na ito.
Tradewinds Books and Silahis Center, Intramuros
Sunod naming pinuntahan ang Tradewinds Books and
Silahis Center. Kung naramdaman mo na, na bumalik ka sa unang panahon habang
ikaw ay nasa kalsada pa lang, sa oras na pumasok ka sa loob ng lugar na ito ay
may maririning kang nakakabinging katahimikan na magbibigay sa iyo ng pakiramdam
na tila ba ikaw ay nakulong sa kawalan kung saan puro makalumang bagay at
kagamitan ang iyong matatagpuan. Iba't-ibang bagay na inukit sa kahoy ang
kanilang binebenta dito. Nakakatuwa dahil parang ikaw ay nasa loob lamang ng
isang malaking bahay dahil ang pagkakadisensyo nila ng mga paninda ay nakaayon
sa mga parte ng isang bahay.
Matatagpuan sa unang palapag ang kusina, gawaan ng mga plato at ang sala. Sa itaas na bahagi naman ay iba't-ibang disensyo ng mga kwarto at mga ipinintang larawan.
Napagod sa paglilibot ng mala-mansyong bahay? Huwag mag-alala, may mga upuang kahoy ang naghihintay saiyong paglabas.
National Commission For Culture and the Arts Building, General Luna St. Intramuros Manila
Dahil ako ay myembro ng UCCA, hindi na bago sa akin ang temang "Art on the Edge" ng National Commission For Culture and the Arts o NCCA. Kaya naman napatakbo ako ng makita ko ang gusaling ito at syang gulat ko ng malaman kong dito pala ito matatagpuan. Iyon nga lang, hindi kami pinalad na makapasok sa loob nito dahil wala naman kaming pakay o sadya sa mismong opisina.
Totoong kapag nakakaramdam ka ng saya ay hindi mo namamalayan ang oras. Mula sa maliwanag na kalangitan ay napalitan na ito ng mga maliliit na bituin na magandang pagmasdan sa Intramuros. Nagpahinga kami saglit dito sa plaza kung saan matatagpuan ang monumento ni King Carlos IV nang nakaramdam na kami ng pagkalam ng tyan. Mahangin. Malamig. Kaya naman bigla akong naghanap ng kape. Kahit ano, basta mainit. Marami kaming pinuntahang makakainan ngunit karamihan sa mga ito ay maagang nagsara. (Probinsyang probinsya ang dating) At muli nanaman naming binaybay ang Intramuros.
Mabuti na lamang at may nagmagandang loob na nagturo sa amin kung saan kami maaring makahanp ng makakainan. Tinanong ko din ang gwardyang ito kung hindi ba siya naiinitan sa sumbrerong suot niya buong araw. "Ayos lang naman", ang sabi niya. Kaya sinamantala ko na at hiniram ang kanyang sumbrero.
Ristorante Delle Mitre, General Luna St. Intamuros, Manila
Sa wakas ay nakahanap din kami ng makakainan at swerteng may kape din silang itinitinda. Moderno ang kanyang istilo sa labas, ngunit kapag ika'y pumasok sa loob ay nanatili ang lugar sa makalumang panahon. Kumpleto ang kanilang mga inihahain sa kanilang mga mamimili. May pang-agahan, kanin at ulam, mga panghimagas at iba't-ibang inumin.
Mango Cream Cheese Cake + Chocolate Brownies + Cafe Americano = Ayos :)
Kulang ang isang araw upang malibot ang buong Intramuros, ngunit maswerte pa rin kami dahil naranasan namin ang masayang kaganapang ito. Bukas makalawa, sa mga susunod na taon pa, hindi ako magdadalawang isip na bumalik sa lugar na ito upang bumuo muli ng mga panibagong masasayang karanasan at di malilimutang alaala.
Hindi mo mararamdaman ang pagod basta't masaya ka at gusto mo ang ginagawa mo. Hanggang sa muli Intramuros!