http://instagram.com/donnabelitahh/

Tuesday, February 18, 2014

MINSAN SA INTRAMUROS

We travel, initially to lose ourselves; and we travel, next to find ourselves – The Idealist

Isa ako sa mga magpapatotoo sa mga katagang ito. Hindi ko man nahanap ang sarili ko, nahanap ko naman ang isang pundasyong nagbibigay kulay sa bansang kinabibilangan ko ngayon. Napupuno man ng mga gwardya ang lugar na ito, hindi naman nakulong ang mga emosyong nararamdaman ko nang mga oras na iyon. Nakatutuwa at nabigyan kami ng pagkakataon na mapuntahan ang isa sa mga itinuturing na makasaysang lugar sa ating bansa, ang INTRAMUROS.







Kilala din sa tawag na The Walled City, hango sa salitang Latin na “Within the Walls”. Hindi naman nakapagtataka kung bakit iyon ang itinawag sa kanya. Napapalibutan ito ng mga batong hinango sa mga bulkan dahil noong unang panahon ay nagsisilbi itong pananggalang sa mga gyera.



                                                   Manila Cathedral Church


                                                    San Agustin Church

Una naming naging destinasyon ang simbahan ng Manila Cathedral. Bukod sa ito ang una mong makikita ay nakaagaw-pansin din ang makalumang istraktura ng simbahan. May pitong simbahang matatagpuan sa loob ng Intramuros ngunit nang dumating ang World War II ay dalawa na lamang sa pitong ito ang natira. Isa na rito ang Manila Cathedral, at ang isa pa ay ang San Agustin Chuch na aming sunod na pinuntahan. Hindi man kami nakapasok sa loob ng simbahan ng San Agustin dahil may isang kasalan na nagaganap ay nakasisigurado naman kami na napakaganda ng disensyo sa loob nito. Masasabing isa ito sa pinakamagandang simbahan na maari mong pagdausan ng isa sa pinakamahalagang pangyayari ng iyong buhay gaya na lamang ng pagpapakasal.




                                    Memore Manila Monument, Anda Street Intramuros Manila


Sunod mong madaraanan ang isang monumentong inialay sa mga nasawi noong gyera. Napalilibutan ito ng mga bulaklak at kapansin-pansin na walang tigil ang pagpunta ng mga tao sa lugar na ito. 









Masasabing habang naglalakad ka sa Intramuros (nasa isang partikular na lugar ka man o kahit sa kalsada lang) ay mararamdaman mong malayo ka sa lugar na iyong kinagisnan. Tila ba binalik ang iyong mga paa sa mga daanan noong unang panahon. Hindi mga modernong bahay ang iyong makikita saan ka man lumingon kundi mga bahay na gawa sa kahoy at literal na mga bato.


                                          Tradewinds Books and Silahis Center, Intramuros


Sunod naming pinuntahan ang Tradewinds Books and Silahis Center. Kung naramdaman mo na, na bumalik ka sa unang panahon habang ikaw ay nasa kalsada pa lang, sa oras na pumasok ka sa loob ng lugar na ito ay may maririning kang nakakabinging katahimikan na magbibigay sa iyo ng pakiramdam na tila ba ikaw ay nakulong sa kawalan kung saan puro makalumang bagay at kagamitan ang iyong matatagpuan. Iba't-ibang bagay na inukit sa kahoy ang kanilang binebenta dito. Nakakatuwa dahil parang ikaw ay nasa loob lamang ng isang malaking bahay dahil ang pagkakadisensyo nila ng mga paninda ay nakaayon sa mga parte ng isang bahay.




Matatagpuan sa unang palapag ang kusina, gawaan ng mga plato at ang sala. Sa itaas na bahagi naman ay iba't-ibang disensyo ng mga kwarto at mga ipinintang larawan.




Napagod sa paglilibot ng mala-mansyong bahay? Huwag mag-alala, may mga upuang kahoy ang naghihintay saiyong paglabas.


National Commission For Culture and the Arts Building, General Luna St. Intramuros Manila


Dahil ako ay myembro ng UCCA, hindi na bago sa akin ang temang "Art on the Edge" ng National Commission For Culture and the Arts o NCCA. Kaya naman napatakbo ako ng makita ko ang gusaling ito at syang gulat ko ng malaman kong dito pala ito matatagpuan. Iyon nga lang, hindi kami pinalad na makapasok sa loob nito dahil wala naman kaming pakay o sadya sa mismong opisina.



                                              Statue of King Carlos IV of Spain in Plaza de Roma



Totoong kapag nakakaramdam ka ng saya ay hindi mo namamalayan ang oras. Mula sa maliwanag na kalangitan ay napalitan na ito ng mga maliliit na bituin na magandang pagmasdan sa Intramuros. Nagpahinga kami saglit dito sa plaza kung saan matatagpuan ang monumento ni King Carlos IV nang nakaramdam na kami ng pagkalam ng tyan. Mahangin. Malamig. Kaya naman bigla akong naghanap ng kape. Kahit ano, basta mainit. Marami kaming pinuntahang makakainan ngunit karamihan sa mga ito ay maagang nagsara. (Probinsyang probinsya ang dating) At muli nanaman naming binaybay ang Intramuros.


Mabuti na lamang at may nagmagandang loob na nagturo sa amin kung saan kami maaring makahanp ng makakainan. Tinanong ko din ang gwardyang ito kung hindi ba siya naiinitan sa sumbrerong suot niya buong araw. "Ayos lang naman", ang sabi niya. Kaya sinamantala ko na at hiniram ang kanyang sumbrero.

Ristorante Delle Mitre, General Luna St. Intamuros, Manila

Sa wakas ay nakahanap din kami ng makakainan at swerteng may kape din silang itinitinda. Moderno ang kanyang istilo sa labas, ngunit kapag ika'y pumasok sa loob ay nanatili ang lugar sa makalumang panahon. Kumpleto ang kanilang mga inihahain sa kanilang mga mamimili. May pang-agahan, kanin at ulam, mga panghimagas at iba't-ibang inumin. 


Mango Cream Cheese Cake + Chocolate Brownies + Cafe Americano = Ayos :)





Kulang ang isang araw upang malibot ang buong Intramuros, ngunit maswerte pa rin kami dahil naranasan namin ang masayang kaganapang ito. Bukas makalawa, sa mga susunod na taon pa, hindi ako magdadalawang isip na bumalik sa lugar na ito upang bumuo muli ng mga panibagong masasayang karanasan at di malilimutang alaala.



Hindi mo mararamdaman ang pagod basta't masaya ka at gusto mo ang ginagawa mo. Hanggang sa muli Intramuros!

No comments:

Post a Comment