Nakilala kita sa simpleng Hi at
Hello lang,
Na nauwi sa hindi inaaasahang
pagkaka-ibigan.
Araw-araw nagkakasama hanggang
sa mag-uwian,
Hindi natin namalayan na
lumalim na ang samahan.
Kasama mo sa lahat ng kalokohan,
Tawanan, iyakan sampalan at
kurutan.
Wala na yatang ibang
mapapagsabihan,
Ng mga sikretong sayo lang
ipinagkatiwalang ilaan.
Di nagtagal lumalim ang
koneksyon,
Mula sa pagkakaibigan, nabuo ang
mas malalim na relasyon.
Ipinakilala sa magulang,
tiyahin at tiyo,
Buong tiwalang binabanggit ang
pangalan mo.
Sa tuwina ay nariyan ka, magkasama nating tinatapos ang umaga.
Sa bawat problema ay karamay
ka, kinakaharap natin ito ng magkasama.
Wala na yatang mas hihigit pa
sa ligayang nararamdaman,
Alam kong alam mong isa ka sa
mga taong aking pinaka-iingatan.
Nagdaan ang mga taon, buwan, araw at minuto,
Tila tayo’y nagkakasawaan,
araw-araw nalang ganito.
Tamis ng pagmamahalan unti-unting naglaho,
Di natin napansing nasisira na
pati ang mga pangako.
Hanggang sa tayo’y nagdesisyon, na tapusin ang binubuong pundasyon.
Mahirap man para sa mga puso,
kayang labanan ng mga isip natin ito.
Wala mang sinisisi sa mga
kaganapang nakapandurugo,
Naniniwalang babalik ka, kung
sa isa’t-isa ay nakalaan ang puso.
Patawad kung nasaktan ko ang damdamin mo,
Hindi lang naman ikaw, nasaktan
din ang aking puso.
Salamat sa relasyon at tiwalang
nabuo,
Mga ala-ala at karanasang hindi
kailanman maglalaho.
Huwag natin sayangin mga buwan at taong binilang natin.
Kahit na alam kong hindi ito
madaling kamtin.
Oras, araw, matagal na panahon
ang aabutin,
Ibalik ang samahan, ang
natitirang pagkakaibigan natin.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Paumanhin kung hindi gaanong
kagandahan ang aking tula.
Social
Penetration Theory. Isang teoryang pang-komunikasyon na nagpapaliwanag na
habang tumatagal ang isang relasyon, lumalalim na rin ang samahang nabubuo sa
loob nito at nagsisimula nang ibahagi ng bawat partido ang kanilang sarili partikular
na ang kanilang mga sikreto, dahil pinagkakatiwalaan nila ang isang tao. Ayon
din sa teoryang ito, maari ding umabot sa hiwalayan ang isang relasyon sa oras
na maramdaman nila na ito na ang kahahantungan ng mga susunod na pangyayari. (Altman and Taylor, 1973)
Lubos akong
sumasang-ayon sa isinasaad ng teoryang ito. Ang dahilan ng pagkakaroon ng
matibay na relasyon ay ang mga karanasan na napag-daraanan ng dalawang taong
bumubuo nito. Dito, lubos na nilang nakikilala ang isa’t-isa, ang mga kilos o
gawi, ang mga magiging reaksyon at maging ang mismong mararamdaman ng kanilang
kapareho. Habang tumatagal ang isang pagsasama ay lalong lumalalim ang kanilang
pagkaka-kilala sa isa’t-isa, dahilan upang tanggapin at lalong mahalin nila ang
kanilang karelasyon.
Naniniwala akong may mga
taong kagaya ko, na naranasan na rin ang pinaka-huling lebel ng teoryang ito.
Ang tinatawag na “Depenetration”, na hiwalayan na lamang ang tanging solusyon
upang hindi na patuloy pang masaktan ang kanilang mga puso. Masakit mang
isipin, mahirap man itong tanggapin ay wala ng magagawa kundi tapusin ang
kanilang mga nakasanayang gawin. Ngunit kung talagang pinahahalagahan ng dalawang
tao ang kanilang relasyon ay hindi nila agad ito hahayaang maglaho, dahil hindi
rin ganoon kadali ang limutin at tapusin na lamang isang pundasyon na binuo
nila ng buong puso sa loob ng matagal na panahon. Isa ring punto ay dahil sa pumasok ka sa relasyong iyon na kilala mo ang taong iyong makakasama, kaya maaaring hindi dahilan ang hiwalayan dahil kung talagang kilala mo na ang taong iyon, matatanggap mo kung ano man ang kanyang nagawa o pag-u-ugaling mayroon siya.
Sa aking pagkakaintindi, naniniwala rin ako na hindi lang para sa nag-iibigan ang pinatutukuyan ng teoryang ito. Dahil hindi naman mag-sing-irog ang pinakamataas na lebel ng pagkakakilanlan (Valila's comment, 2013). Maaari rin itong maranasan ng dalawang tao na kapatid ang turing sa isa’t-isa at maari rin sa miyembro ng isang pamilya, depende sa kung paano nila pinaki-kilala ang kanilang sarili at kung paano ito sinusuklian pabalik sa kanila.
Sources:
Altman,
I., & Taylor, D., (1973). Social Penetration: The Development of Interpersonal
Relationships. NewYork: Holt,
Rinehart and Winston
Kruspkaya Valila's comment, http://sportsmikee.blogspot.com/2013/12/hanggang-kailan.html